From Luna
by Luna Sicat-CletoBuong maghapon akong nasa tapat ng laptop halos, nagtatapos ng mga requirements sa darating na semestre. Mag-aalas diyes na nang umaga nang magbasa ako ng email, at doon ko nalaman na wala na si Tito Nguu. Nagkataon na ngayon lang rin nagawa ang telepono namin – na walang incoming or outgoing calls. May facebook, may text, pero bihira po akong magbukas. At marahil makukuha ninyo ‘yung joke ng nanay ko nang sinabi niya sa akin minsan – “Kumusta ang Amerika?” – kahit ang lapit lang ng UP sa Tandang Sora. Ano pa nga ba ang excuse ko sa delayed reaction ng pakikiramay?
Napakabuti po ni Tito Nguu sa amin, hindi ko makakalimutan ang supporta ninyo noon sa amin nang mamatay si Papa noong 1987. Isa kayo Tita Elvie sa mga talagang natatandaan kong unang dumamay. Nang tinitipon ko nga ang mga nakakalat na papeles dito, may sulat pa na galing sa inyo, sa Roma, noong nag-aalok kayo kay Mama ng tulong. At kung tama ang natatandaan ko, inaalok niyo pang ipasyal sila ng aking ama, sakali man na bumuti ang pakiramdam nito.
Wala namang mga salita na magpapahupa ng lungkot.
At hindi ko na tatangkain pa. Gusto ko lang pong magpasalamat.
Noong bata pa ako, rinegaluhan ako ni Tito Nguu ng dalawang bagay: isang wristwatch at isang camera. Ang wristwatch na binigay ba niya’y bilang graduation gift? Hindi ko na matandaan. Tuwang tuwa ako. Freshman ako sa kolehiyo. Noong mag-piP.E. sa academic oval, tinago ko sa bulsa ng knapsack, at pagkatapos ng pagtakbo doon ng one or two laps, at nakabalik na ako sa puwesto ng knapsack, wala na yung relos. Wala akong kamalay malay na may lumilibot na mga magnanakaw doon. Hindi naman nagalit o nadala si Tito Nguu sa pagregalo. Dahil matapos ang isa o dalawang taon, noong kumukuha na ako ng Photography, nabigla ako na binigyan niya ako ng camera, Nikon. Hindi ko na maalala kung paano iyon nawala, pero ninakaw rin. Sa mismong kolehiyo pa namin.
By this time, parang maiisip isip na bakit patuloy siyang nagbigay, sa kabila ng pagiging bulagsak ko sa pagtatago? Hindi ko rin maunawaan noon kung bakit ako binibigyan. Ito ba’y para turuan ako na maging adult? Maging maingat? Gamitin nang tama ang panahon, ang oras? Gamitin nang tama ang kapasidad na makakita at makaalaala? Kung anuman, baka ginawa lang niya ‘yun dahil mabuti siya. Ang kabaitan ay walang hinihinging kapalit. Ang laking bagay na may kilala ako mismo na nagbibigay nang ganito sa mismong pamilya. Late 70s ko po natatandaan na tumira kayo sa Project 6, matapos lumipat mula sa UPLB. Kahanga-hanga ang pakikisama ni Tito Nguu sa pamilya. Anuman ‘yung kahulugan ng mga regalong iyon, ang kahulugan ng pagregalo sa akin, ang pagpapahalaga ni Tito Nguu sa akin bilang pamangkin siya na rin ang nakakaalam. At hindi lang naman ako ang nag-iisang binigyan. Lagi po kayong nakasupporta, dumadamay.
Gusto ko lang pong sabihin iyon sa inyo, para ipaalala na hindi ko iyon nakakalimutan. Alagaan po ninyo ang inyong sarili. Ingat lagi,