A celebration of life

Isang makata at romantiko

by Ellen Sicat

Noong gabing namaalam si Nguu, naisulat ko sa twitter na “kahapon ,nabawasan ng isang mabuting tao ang mundo.” Nagulat ako sa reaksiyon sa twitter. Siguro dahil kakaunti na ang mabuting tao. Halos 100 ang naglike, maraming nagcomment at nakiramay.

Totoong mabuting tao si Nguu at nagpapasalamat ako sa Diyos na siya ang napangasawa ni Elvie. Foreigner siya pero hindi naramdaman ng pamilya ang kaibahan niya sa Filipino. Vietnamese kaya katulad ng Filipino ang panlasa sa pagkain. Matulungin siya at halos lahat kami sa kanyang Filipino family ay natulungan niya at binigyan ng pagkakataon.

Naalala kong tuwing dumadalaw sila ng pamilya sa Pilipinas noon, inaabutan niya ako ng dollars kahit hindi ako nanghihingi. At kahit retirado na siya, inaabutan niya ako tuwing Pasko, birthday ko. Parang tunay na kpatid niya kaming dinadamayan.

Pero ang hindi ko malilimutan kay Nguu ay isa siyang makata at romantiko. Noong minsang nag-iisa siyang umuwi sa Pilipinas, kinasapakat niya ako. May sinulat siyang mga tula tungkol kay Elvie, ilog at gunita ng Vietnam, sa kanyang nayon na Hue na ayon sa kaibigan ko ay kilala sa magagandang babae. Ang mga tula ay gusto niyang ipalibro upang iregalo kay Elvie sa kanilang anniversary. Wow!

Nitong nagkasakit si Nguu, hindi ko siya kayang makita. Nagtampo ako sa Diyos kung bakit ang isang mabuting tao ay nahihirapan. Ipinagdadasal ko na sana, na sana kung hindi rin lang siya gagaling, huwag na siyang pahirapan.

Paalam Nguu. Ang taong nagsabing mamamatay siyang Vietnamese dahil hindi niya mapapalitan ang kanyang ugat. May lugar sa langit ang mabuting tao na tulad mo. sumalangit ka nawa. Mamimiss ka ng Filipino family mo.